Linggo, Enero 29, 2012

PAGLAKI KO!



Pagkabilang ko ng sampu, nakatago na kayo. Isa!

  Kumaripas ng takbo sina Ning at Mayet.



Dalawa!

  Dali-daling sumuot si Dani sa silong ng kubo.



Tatlo!

  Mabilis na umakyat si Betong sa punong santol.



Apat!

  Pumuwesto si Cheche sa likod ng punso.



Lima!

Pambihira! Nagkasya si Sabel sa nakataob na batya. Sshhh! Sinenyasan nya ang ang nanay niyang naglalaba. Kumindat naman si Aling Cora.



Anim!

 Sandali lang! Sigaw ni Bing nang madiskubre na naagaw ang paboritong taguan.


Pito!

Humarurot na parang jipney ang kambal patungo sa likod ng balon.—talo pa ang MRT sa bilis!



Walo!

   Naku! Di na alam ni Pia kung saan magtatago. 


Siyam!
  Bahagyang dinilat ni Sansan ang mga mata.



Sampu! Andyan nako!


Pinigil ni Bing ang hininga.

Tumagatak ang pawis ni Dani.

Nanginginig sa sabik si Cheche.

Naghahagikgikan sina Rex at Russel.



Di pa man nakalalayo si Sansan mula sa puno ng mangga, ang kanilang “homebase”, nang umalingawngaw ang pamilyar na kalembang.


kLING-KLiNg-KLInG-kLiNG!


AYANNASYA! Sigaw ni Ning habang nagsilabasan ang lahat sa lungga at sinalubong ang tunog. Di tuloy alam ni Sansan kung sino ang ibu-BONG. Sa halip na bumalik sa puno ng mangga, nakisali na rin sya sa mga paang nangalap ng alikabuk sa bilis ng takbo patungo—

Kanino pa, kundi kay mamang sorbetero!


Dala ni Mang Karding ay ilang palapag ng makulay at patung-patong na sarap at

saya!


Nauna si Ning sa pila. Daig pa si Lydia de Vega sa tulin ng takbo. Parang medalyang ibinabandera ang anim na palapag ng sorbetes.

Namilog ang mga mata ni Mayet sa sari-saring lasa—keso, tsokolate, mangga o buko? Lahat nalang kaya!



Kulang ang mukha ni Dani sa laki ng kanyang ngiti lalo na nang dagdagan ni Mang Karding ng dalawang tangkal ang halos kasing-taas ng isang dangkal nyang tsokolateng sorbetes.

Agad ninamnam ni Betong ang natatanging meryenda—da best talagang palaman sa monay ang ice cream!



Walang kasing ingat nang abutin ni Cheche ang paboritong pampalamig. Parang isang laruang bago ang ice cream na hawak (nahulog kasi sa kalye nung isang araw ang sorbetes na binili nya).



Inunang kagatin ni Sabel ang pwet ng apa. Tsaka sinipsip ang tamis at lamig.



Inuunti-unti naman ni Bing ang kanyang tasa ng sorbetes. Layong patagalin ang bawat kutsarita ng linamnam.



Sabay na pinanggigigilan ni  Rex at Russel ang kanilang apa ng ice cream. At sabay din nilang naubos ito sa limampung segundo!



Di naman nakuntento sa isang apa si Pia. Aba! Heto’t bumili siya ng isa pa!



Mabilis na isinubo ni Sansan ang huling kagat ng apang babad sa halo-halong lasa. Sabay dighay ng malakas.



Umalingawngaw ang malakas na tawanan. Sa lilim ng punong mangga, wala nang sasaya pa sa mga magkakaibigang bundat sa paborito nilang panghimagas.


Masarap siguro maging sorbetero tulad ni mang Karding.” ang masayang sambit ni Russel habang dinidilaan and dulo ng malalagkit na mga daliri, “ Di ka mauubusan ng ice cream!” Bahagyang sumimangot sya sa malinis na kamay.



“Kung gusto mong maging sorbetero,” ani ni Dani habang binubuksan ang pangatlong pakete ng Cloud Nine nya sa araw na iyon.” “Ako naman gusto kong maging tsokolate. Naghagikhikan ang lahat. “Gusto ko kasing magpasaya ng mga tao. E di ba, pag may tsokolate e ngingiti na ang mga may problema?” Ang paliwanag ni Dani habang nginunguya ang dambuhalang kagat sa baong tsokoleyt.



Ako, paglaki ko, magiging magaling na doctor ako. Magsususot ako ng puting uniporme at gagamutin ko lahat ng sugat at sakit,” ang pagpapasikat ni Pia.



Tutulungan kita sa pag-alaga ng may sakit. Magiging nars ako at kakantahan ko muna ang mga bata bago injeksunan para di na sila iiyak,” dagdag naman ni Mayet.



“Basta ako, paglaki ko, gusto kong maging milyonaryo!” Malakas na pahayag ni Ning. “Sasali ako sa Starstruck, Game Ka Na Ba?, sa Laban o Bawi, Pinoy Big Brother at sa lahat ng pa-kontest! Bibili ako ng sangkatutak na Sweepstakes! At kung marami na akong pera, ililibre ko kayo ng ice cream araw-araw.”



Nagpalakpakan ang lahat.



Ako, paglaki ko…” Biglang natigilan si Sabel nang tumayo si Rex at pinalipad ang tinuping eroplanong papel.



Ako, iikutin ko ang mundo kasi magiging piloto ako. Ako ang unang magpapalipad ng eroplano papuntang buwan o sa Mars!”


“Ako naman, huhuliin ko ang lahat ng masasamang mga tao. Magiging pulis ako tulad ng tatay ko!” Pagmamalaki ni Betong.


Ibinibaba ni Sansan ang binabasang libro, “Paglaki ko, magiging presidente ako ng Pilipinas! Wala nang mamamalimos at magugutom na bata. Lahat sila ay makakapag-aral na.”


“Paglaki ko naman, gusto kong maging magaling na mang-aawit tulad ni Sarah Geronimo. Papalakpakan ako at tatayo ang mga tao pag kakanta ako.” Ang pagbibida ni Bing sabay ikot at awit ng paboritong kanta.


“Attention class, makinig kayo!” Pahayag ni Cheche habang pinapalo ang puno ng akasya gamit ang lapis, “Paglaki ko, gusto kong maging titser—parang si Titser Lina. Ang galing-galing nyang sumayaw at kumanta. Andami-dami pa nyang alam.”



“Ako naman…” wika ni Sabel, “Gusto ko maging tulad ng nanay ko. Para rin syang titser— alam pa nya ang sagot sa lahat ng tanong. Mahusay din syang doctor at nars kasi napapagaling nya ako pag may sakit ako. Isang halik lang nya, di na masakit ang sugat ko. Mas magaling pa sya kay Sarah Geronimo, napapatahan nya lagi si bunso! Para rin syang pulis, nahuhuli si kuya pag may ginawa syang masama. Pag binabasahan kami ng libro dinadala rin nya ako sa iba’t ibang lugar tulad ng piloto. At lahat ng problema, naaayos nya—parang presidente ng Pilipinas! Higit sa lahat, para rin syang tsokolate at sorbetes, napapasaya nya kami lagi. Para na rin kaming milyonaryo dahil sa nanay ko!”

Ikaw, anong gusto mong maging paglaki mo?




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento